LIPAD
Marlene, waitress sa Guatemala,
Cora, caregiver sa Amerika,
Mylene, entertainer sa Japan...
Ito ang kanilang mga mukha.

Hanggang saan ba kailangang umabot para abutin ang mga pangarap.
Magsilbi?
Mag-alaga?
Magsayaw?

Iniwan nila ang bansa,
Pati na ang pamilya.
Ipinaluto ang iba,
Nilinis ang kalat nila.

Kung alam niyo lang, ay hindi niyo masisikmura.
Nakatali ang buhay sa isang kontrata.
Bawal tumakas...
Bawal umuwi...

Kailangang lumipad, upang ang mga pangarap ay makalipad din.
Pero sa ngayon, ang restaurant, ang kwarto, ang entablado ang kanilang hawla.
Umiyak man sa pangungulila, gabi-gabi, araw-araw, para sa pamilya ito.
Kaya tuloy ang pagsisilbi, ang pag-aalaga, at tuloy ang....... sayaw.

-Rochelle Pangilinan voice over-
Party Pilipinas-LIPAD, 10/24/10



**********
Sa loob ng mahigit na limang taon kong pamamalagi sa ibang bansa, bilang isang buhay na bayani o mas kilala sa tawag bilang isang OFW, marami na akong nakilala, nakasalamuha, at nakasamang tao mula sa iba't ibang parte ng Pilipinas. Ilan sa kanila, mga bago pa lamang, mga luma o taon na ang bilang ng pamamalagi  at ang iba naman ay yung mga tinatawag na mga beterano, sila yung mga OFW na ginagawang bakasyunan ang Pilipinas. 

Iba't ibang istorya ng buhay, merong malungkot, masaya at merong puno ng pag-asa ang kanilang mga kuwento at dala. Pag-asang makabangon mula sa kahirapan sa bansang kinagisnan at pag-asang mapunan ang pagkukulang mula sa bansang kinamulatan... ang Trabaho. 

Hindi lingid sa ating kaalaman na sa araw-araw ay may libu-libong pinoy ang umaalis ng bansa, upang makipagsapalaran. Libu-libong Pilipino, bilang Inhenyero, Guro, Caregiver, Salesman, Nurse, Doctor,  at iba't ibang uri ng mga blue colored job. Mga propesyong sana ay sa Pilipinas ginagamit. Subalit dala ng kakulangan ng trabaho at liit ng suweldo sa ating bansa ay napipilitang gamitin upang manilbihan sa iba.  Libu-libong pinoy na ang tanging dala-dala ay ang pag-asa para sa pamilyang maiiwan at takot at kaba sa bansang daratnan. 

Libu-libong Pinoy na hindi alintana ang homesick at hirap ng kalooban, para lang mabigyan ng magandang buhay ang ating mga anak, mapag-aral ang ating mga kapatid at masuportahan ang ating mga magulang. Mga Pilipino na patuloy na naniwala at umaasang may pag-asa pa. May pag-asa pang naghihintay sa bansang sa atin ay kumalinga. 

Ngunit kung anupa't anuman ang dahilan ng ating pangingibang bansa, ng ating pagLIPAD, lagi nating iisipin na may naghihintay sa ating pagbabalik, tagumpay man tayo o bigo......


"Well im going home, back to a place where I belong
And where your LOVE has always been enough for me
I'm not running from, no, think you got me all wrong
I don't regret this life I chose for me
But these places and these face are getting old
So i'm going home, well i'm going home."
-Home by Daughtry-


1 Response
  1. OFW Jobs Says:

    Mahirap talaga ang maging OFW kaya kailangan nila ng maayos na suporta mula sa gobyerno.


Blog Widget by LinkWithin