CHILLY NIGHTS presents HIGANTI
Habang naglalakad si Erika pauwi sa kanilang bahay isang gabi buwan ng Oktubre ay may narinig siyang mga maliliit na boses mula sa di kalayuan. Inakala niyang ito'y namumula sa kalapit bahay sa may bandang tindahan nila Aling Maria, kaya di niya ito pinansin. Subalit habang patuloy siya sa paglalakad ay tila lumalakas ang tinig ng mga maliliit na boses na parang galit, at sa pakiwari niya'y sinusundan siya ng mga ito. Magkahalong kaba at takot ang kanyang naramdaman, kaya binilisan niya ang kanyang paglalakad hanggang sa sapitin ang kanilang bahay na malapit sa isang malaking puno ng Mangga....

Pagdating sa bahay, ay agad niya itong ikinuwento sa kanyang ina, habang sila'y kumakain ng hapunan. Alas-otso na ng gabi.

"Sus! wag mo ngang pinagpapansin ang mga bagay na yan, guni-guni mo lang ang mga yan, sa tagal ko na dito wala pa ako ni isang nararanasang ganyan", pakli ni Aling Adora, ang ina ni Erika.

"Siguro nga, guni-guni ko lang ang lahat. Pero, nay! narinig niyo ba ang balita diyan sa kabilang kanto, yung anak daw ni Mang Nestor ay sinapian ng duwende at ayon sa mga sabi-sabi ay nagustuhan daw ito kaya ayaw ng lubayan ng huli", patuloy na kwento ni Erika.

"Ano ka ba anak, may nakain lang siguro na bawal yun kaya nagkaganon. Kumain ka na diyan at matulog pagkatapos mong ligpitin ang pinagkainan natin. At wag kang maniwala sa mga kwento-kwento tungkol sa mga dwende dwende o kung ano mang kababalaghan diyan. Gawa-gawa lang ng ibang tao yan upang makapanloko  at magkapera", mariing di pagsang-ayon ni Aling Adora sa mga sinsabi ng anak.


**********
Matapos niyang ligpitin ang mga pinagkainan at makapaligo, nagpahinga siya sandali at nanood ng TV. At habang nanonood ay biglang bumukas ang kanilang pintuan, inakala niyang hangin lang ang nagbukas at naalala niya na hindi ito masyadong naisara kanina ng siya'y dumating. Tumayo siya at isinara ang pintuan. Kitang kita pa niya ang ilang mga bata na naglalaro ng taguan sa labas ng bahay ng kanyang Tiya Eden. Pagbalik niya upang ipagpatuloy ang pinapanood na palabas ay bigla siyang napaigtad ng may mapansin ang kanyang mga mata mula sa bintana. Kitang kita niya ang dalawang maliliit na nilalang na nakaupo sa isang sanga ng punong Mangga sa labas ng kanilang bahay. 


Biglang tumayo ang kanyang mga balahibo. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakita at sa sobrang takot ay kaagad niyang kinuha ang remote control ng TV at kaagad itong inOFF at saka tumungo sa kanyang kwarto ng nagmamadali. 


**********
Sa loob ng kwarto, alumpihit siya sa kanyang higaan. Dahil kahit anumang pilit niyang ipikit ang kanyang mga mata ay di siya makatulog. Muli niyang tiningnan ang kanyang relo. Alas Dose. Dalawang oras na pala ang lumilipas simula ng makita niya ang eksenang halos ayaw pa rin niyang paniwalaan. Muli siyang pumikit sa pag-asang makakatulog na rin, subalit ilang segundo pa lang ang na naipipikit niya ang kaniyang mga mata nang may makita  siyang liwanag mula sa labas ng kanyang bintana. Dagli siyang tumayo hindi upang tingnan ang liwanag mula sa labas kundi upang ibaba ang kurtina na nakalimutan niya gawin dala ng sobrang takot. At ng ibababa na niya ang kurtina ng kanilang bintana ay nakita ng dalawa niyang mga mata, na ang liwanag sa labas ay nagmumula sa kanilang hardin. 


Sa hardin ng kaniyang ina na malapit sa puno ng Mangga. At sa tabi ng puno ay may isang umbok na lupa. Bigla niyang naisip ito marahil ay isang....PUNSO. Ang umbok na lupa na kamakailan ay kanyang sinira, ay isa palang punso. Ang bahay ng dalawang dwende na kanyang nakita kani-kanina lamang. 

Lalo siyang kinabahan at natakot...

-itutuloy-


1 Response
  1. eMPi Says:

    siguro dahil mag uundas na kaya ito ang kwento mo.

    ano kaya mangyayari sa kanya?


Blog Widget by LinkWithin